Philippine Social Sciences Review, Vol 62, No 1

Font Size:  Small  Medium  Large

Pangasinan Kung Paano Naimapa ang Lalawigan Mula Sa Matandang Dikotomiya ng Baybay-Alog (Panag-‘Asinan’ - Caboloan)

Marot Nelmida Flores

Abstract


Unang naimapa ang lalawigan ng Pangasinan ng mga Kastilang relihiyoso. Ang mga Agustinong misyonero na dumaong sa kostal na bayan ng Bolinao at hindi nakapasok sa interyor na pamayanan dahil sa mabangis na mga katutubo rito ang siyang nagbigay ng ngalan sa buong kalupaan bilang Pangasinan. Ito ang nagbura sa matandang katawagan sa mga interyor na pamayanan bilang Caboloan. Ito rin ang nagbura sa dikotomiya ng matatandang pamayanang nasa kostal at interyor (baybay-alog) na matagal nang may matalik na ugnayang pangkalakalan. Ang Pangasinan noon ay Panag-asinan, yaong mga kostal na komunidad kung saan ginagawa ang ‘asin’. Samantala, ang Caboloan ay kakikitaan ng maraming ‘bolo’ (isang uri ng kawayan) at malapit mismo sa ilog Agno.  Mahalaga ang pagtalakay sa ilog Agno bilang siyang nexus ng mga pamayanang nasa kostal at nasa interyor, at maging ng mga pamayanan sa Tarlac at Pampanga. Ang ilog Agno rin ang dahilan ng matabang lupain ng kabukiran sa lalawigan at siyang nag-udyok sa mga Iluko na manirahan dito bilang mga magsasaka at mangangalakal. Ang materyal na kahalagahan ng ilog Agno ay kasabay na tatalakayin sa konteksto ng kasalukyang panahon lalo na ang kamakailang epipenomenal na pagbaha sa lalawigan dulot ng bagyong si Pepeng.  Sa pagmamapa ng nasyon-estado sa pamagitan ng aparato nito, ang Pangasinan ay isang “Ilocanized province of the North”. Ang malawakang migrasyong Iluko sa lalawigan ay naging salik sa pagkabaon ng kasaysayan at karanasan ng mga katutubong Pangasinan na babanggitin dito bilang mga anacbanua. Subalit naging dinamiko ang ugnayan ng mga Pangasinan at Iluko pag-usad ng panahon. Ang mga Ilukong cailian/es ay magiging bahagi ng populasyon ng bayan at papasok din sa larangan ng local na pulitika sa siglo-20. Bibigyang diin ng artikulo ang etnokultural na pagmamapa ng lalawigan lampas sa usapin ng teritoryalidad at pagmumuhon. Titignan ang konfigurasyon ng Pangasinan mula sa Pangasinan-Caboloan patungo sa kasalukuyang gahum kaugnay ng CAMADA urban planning project. Bibigyang pribilehiyo ang artikulasyon at tinig ng mga tagarito at maging ng mga tagalabas bukod sa mga dokumento at mapa ng mga kolonisador at nasyon-estado sa layuning maunawaan kung paano naimapa ang buong lalawigan ng Pangasinan sa pagdaan ng dantaon.

Full Text: PDF