Ang Heograpiyang mapagpalaya ng Lumad Bakwit School: Mula pagka-tayo Tungo sa Pagtayô ng mga Mag-aaral sa Piling Mapa-Kuwento

  • Jose Monfred C. Sy

Abstract

Upang alpasan ang karahasang dulot ng militarisasyon, isinasagawa ng ilang komunidad na Lumad—ang kolektibong identidad ng higit-kumulang labing-walong pangkat katutubo sa Mindanao—ang tinatawag na “bakwit” (“evacuate”). Pinapakahulugan nito ang kanilang panandaliang paglisan mula sa yutang kabilin (“lupang ninuno” sa wikang Filipino) upang makabawi ng lakas para sa pagbalik at patuloy na pagbabalikwas. Sa tulong ng Save Our Schools Network (SOS), inilunsad ng mga nagbabakwit noong 2017 ang “Bakwit School,” isang pansamantalang paaralan na nagbigay- espasyo sa kabataang Lumad at di-Lumad na makapagpatuloy ng pag-aaral kahit nasa malayong lupain.


Iminumungkahi ng sanaysay na ito na binabago ng Bakwit School ang politikal na kapookan ng bakwit. Mauulinigan sa proyektong ito ang ipinapalagay ni Ramon Guillermo na paglawig ng “pagka-tayo” o kolektibong pagkakakilanlan tungo sa “pagtayô” o kolektibong pakikibaka. 


Iniigpawan ng pagtayô ng mga mag-aaral ang pagkakaiba sa uri, lahi, at distansya. Upang mapalitaw ito, ginagamit ng pag-aaral ang tinatawag kong “mapa-kuwento” kung saan pinagsasalinang-bisa ang kartograpiya at pagsasalaysay. Bilang isang metodo ng kontra-pagmamapa, binabalangkas nito ang mapang likha ng isinasantabing sabjek bilang tuntungan ng pagkukuwento tungkol sa at sa konteksto ng pook ng pakikibaka. Ibig patingkarin ng mga mapa-kuwento mula sa Bakwit School ang dunong ng kabataang Lumad (at iilang di-Lumad) na nagtataglay ng naipong kolektibong karanasan sa paglalakbay at pag-aaral.


Kinikilatis ko ang ilang piling mapa-kuwento na nagpapakita kung paanong napalalawig sa Bakwit School ang pagkakabigkis ng kabataang katutubo mula sa pagiging bahagi ng pagkakakilanlang Lumad tungo sa malawakang kilusan para sa edukasyon, lupa, at buhay. Sa ganitong paraan, mauunawaan ang pansamantalang paaralan bilang lunduyan ng tinatawag ni Hamid Dabashi na “liberation geography” o “mapagpalayang heograpiya.” Sisidlan ito ng mga alternatibong sabjek na nakalilikha ng makabagong pagpapakahulugang kartograpiko sa “sarili” at “iba.” Hindi lamang binibigyang-diin ng pag-aaral na ito ang pakikibaka ng kabataang Lumad bilang isang malikhaing pagbawi ng espasyo. Ibig din nitong isadokumento ang mga karanasang maaaring makapagpalalim ng ating kaunwaan sa ugnayan ng Pilipino at mga espasyo ng bayan.

Published
2023-03-28