"Ang sugo ng bayang api" <br>Si Benigno Ramos at Misyong Sakdal sa Kasarinlan (1932-1933)
Abstract
ABSTRAK
Itinuring na panahon ng pagsulong ng mga Pilipino sa kasarinlan laban sa mga Amerikano ang mga taong 1919 hanggang 1934. Maisasakonteksto ang mga pagkilos na ito sa pamamagitan ng dalawang pangkasaysayang kaganapan na nagkaroon ng epekto sa Pilipinas: ang pagbagsak ng ekonomiya ng Estados Unidos noong 1929 at ang banta ng digmaan laban sa mga Hapon. Bunsod ng mga kaganapang ito, naging bukas ang mga Amerikano sa posibilidad ng pagbibigay ng kalayaan at kasarinlan sa Pilipinas. Patunay rito ang pagkakaroon ng ibayong sigla ng mga misyong pangkasarinlan sa Estados Unidos sa pangunguna nina Manuel L. Quezon, Sergio Osmeña, at Manuel Roxas.
Ang Sakdal, isang pahayagan na naging kilusang panlipunan sa kalaunan, ay isinilang sa mga kritikal na sandali ng pakikipagtunggali ng mga Pilipino laban sa kolonyalismong Amerikano sa Pilipinas. Isinulong nito, sa pamamagitan ng naging patnugot na si Benigno Ramos, ang kasarinlan ng Pilipinas bilang sagot sa kaabahan at kawalan ng kaunlaran sa buhay ng mga karaniwang Pilipino. Mula sa mga naunang pag-aaral at mga pananaliksik na naisagawa na sa Sakdal at kay Benigno Ramos, layunin ng papel na ito na bigyan ng kaukulang pag-aaral ang “Misyong Sakdal sa Kasarinlan” na hindi pa napagtutuunan ng malalim na pansin at pagtalakay. Ang Pahayagang Sakdal na mayaman sa impormasyon hinggil sa Misyong Sakdal sa Estados Unidos, ang pangunahing batis pangkasaysayan na gagamitin. Tatangkain din ng papel na suriin ang ilang mga tulang Sakdalista na sumakonteksto sa naging tunguhin ng samahan sa pagpapadala ng kinatawan o sugo sa kampanya sa kasarinlan sa mga taong 1932–1933, sa pamamagitan ni Benigno Ramos bilang “Sugo ng Bayang Api.” Susing Salita: Sakdal, Benigno Ramos, Misyong Sakdal sa Kasarinlan, Pahayagang Sakdal, Tulang Sakdal
ABSTRACT
The years 1919 to 1934 witnessed the Filipino struggle for independence against the United States. This will be examined by contextualizing the struggle for independence within the period of the Great Depression in 1929, which had ramifications on the economic conditions of the United States, as well as the threat of the Japanese invasion that threatened the Philippines. These two factors created the possibility for the Americans to concretely entertain the idea of granting independence to the Philippines. The Philippine Independence missions to the United States headed by Manuel L. Quezon, Sergio Osmeña, and Manuel Roxas, proved this. The Sakdal, which began as a forthnightly and later on developed into a social movement, came about during the critical moments of the Filipinos’ struggle against American colonialism.
The Sakdal was founded on the belief, espoused by its founder Benigno Ramos, that Philippine independence was the answer to address poverty and improve the plight of the ordinary Filipinos. In this regard, this paper will also focus on the Sakdal Mission for Independence from 1932–1933, which remain understudied and unexplored as an important aspect of the Philippine struggle for independence. The Pahayagang Sakdal, which is a rich source of information on the Sakdal independent mission to the United States will be the the primary source used for this paper. An analysis of poems by Sakdalistas, which express their views on the independence mission and of Benigno Ramos as “Envoy of this Hapless Land” will also be undertaken.
Keywords: Sakdal, Benigno Ramos, Sakdal Independence Mission, Sakdal Newspaper, Sakdal poetry