Sa pagitan ng kultura at kalikasan: Isang pagsisiyasat sa talinghaga ng “engkanto” sa mga pelikula ng Shake, Rattle, and Roll
Abstract
Ang sanaysay na ito ay umiinog sa diskurso ng ekokritisismo bilang balangkas sa pag-unawa ng pelikulang katatakutan sa Pilipinas. Sinusuri nito ang 10 episodyo mula sa serye ng Shake, Rattle, and Roll (SRR) na nagtatampok sa antagonistiko at nakatatakot na imahen ng “engkanto.” Sa kakaunting tala mula prekolonyal hanggang kolonyal na pagharaya sa kahulugan at talinghaga na nakalakip sa nilalang na “engkanto”—mula sa katutubong bakas patungo sa pananaw na maka-Europeo—sisikapin ng sanaysay na bigyan ng pansin ang kultural, ekonomiko, at politikal na karanasan ng mga espasyong pinamamalagian ng engkanto: gubat, tubig, at siyudad. Ang konstelasyon ng tatlong sinematikong espasyo na ito ay maaaring tumunghay sa mga kakabit nitong heograpikal na politika sa sistema ng hacienda, teritoryong pangkatubigan, at suburbanisasyon. Gamit ang ilang antropolohikal at pangkasaysayang kuwardo at lente bilang tuntungan, susubukan ng sanaysay na suriin ang naratibo ng mga episodyo ng SRR at ang kaugnayan nito sa mga agam-agam at lagim ng bansa. Bilang panghuli, nilalayon ng sanaysay na makapagbigay ng makabagong pagsipat sa ekokritisismo na lagpas sa kolonyal na pagharaya kundi nakasandig sa postkolonyal na dalumat na maaaring igibin sa balon ng danas at realidad ng Pilipinas.