Ilob ngan isog: Pananalinghaga sa katutubong awiting “Lawiswis Kawayan” bilang dalumat sa kaloobang-bayan ng mga Waray
Abstract
Marami ang nagsasabi ng mga negatibong bagay tungkol sa pagkataong Waray dahil sa impluwensiya ng midya tulad ng mga palabas sa telebisyon at pelikula at maging sa mga balita. Ilan sa mga estereotipong ipinupukol sa kanila ay ang pagiging matapang, barumbado, at nakatatakot. Maiuugnay ang mga ito sa tapang o katapangang taglay ng mga Waray bilang pagkakakilanlang pangkultura na hinubog ng panahon, sitwasyon, at mga pagkakataon. Kaya naman, nilalayon ng papel na ito na magkaroon ng malalim na pagdalumat sa kanilang pagkatao na mahuhugot sa dalawang katangiang kanilang taglay, ang ilob (tatag) at isog (tapang) sa pamamagitan ng pananalinghaga sa katutubong awiting “Lawiswis Kawayan.” Sa malalim na pag-uugnay sa kawayan, sa panuring nitong “lawiswis” at sa nilalaman ng kanta, matutuklasan sa pagsasalimbayan ng dalawang katangiang ito bilang mga paraan ng pagpapatibay ng samahan at mabuting pakikitungo sa kapwa. Ang ginhawang itong ipinagkaloob ng isang Waray sa kaniyang kapwa ay ang kaloobang-bayang magpapanatili at magpapalawig ng buhay at makapagpapatamasa ng inaasam na pag-unlad at dangal.