Ang Agos: Refereed Journal ng Malikhaing Akdang Pampanitikan ay ang kauna-unahang refereed journal para sa malikhaing akdang pampanitikan ng Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman na nakasulat o nakasalin sa wikang Filipino at iba pang wika sa Pilipinas. Naglalathala isang beses sa isang taon. Isinusulong ng journal na ito na paunlarin at palawakin ang iba’t ibang pamamaraan ng malikhaing pagsusulat sa wikang Filipino at mga wika sa Pilipinas, at pag-ambag sa lawas ng panitikan sa Pilipinas. Layunin nito na tipunin ang mga malikhaing akda na tumatalakay, umuunawa, at dumidiskurso tungkol sa iba't ibang antas ng karanasan at pagpapakaranasan ng mamamayang Filipino at ang ugnayan ng indibidwal sa kaniyang kaligiran, lipunan, at bayan.

Ang Agos ay naglalathala ng mga orihinal na malikhaing akda na dumadaan sa proseso ng double-blind peer-review. Ang mga manuskrito na isinumite ay inisyal na sinusuri ng lupon ng mga editor na binubuo ng punong editor, mga editor ng isyu, at tagapamahalang editor. Sa bahaging ito ay maaaring maglabas ng resulta kung ang isinumiteng mga manuskrito ay tanggap, nangangailangan ng rebisyon, o hindi tanggap. Ang mga manuskrito na pumasa sa lupon ng mga editor ay uusad para sa blind peer-review ng mga referee na binubuo ng dalawa o higit pa, kung kinakailangan. Ang mga referee na susuri ng mga manuskrito ay pinili batay sa kanilang kakayahan at kasanayan sa disiplina o anyong pampanitikan.