Magkita Tayo sa Pantalan: Ang Pagbuo ng mga Beki sa Kanilang mga Lugar at Espasyo sa Bayan ng San Nicolas
Abstract
Sa papel na ito ay ilalarawan ang mga ginagawang pagbuo ng sariling espasyo ng mga beki sa bayan ng San Nicolas sa Batangas na maaaring tingnan gamit ang konsepto ng queer spaces ni Gieseking (2020). Ito ay tumutukoy sa mga pamamaraan kung paanong ang grupo ng mga beki ay bahagi at naglalarawan ng bagong pag-unawa sa iba't-ibang mga lugar na bahagi ng bayan (place-making practices) tulad ng pantalan upang makabuo ng tinawag naman ni Halberstam (2005) na queer counterpublics. Ilan sa mga titingnan ay ang mga gawain at lugar na inilalarawan ng mga terminong rampa/pagrampa, pantalan at/o baywalk, tambayan at inuman.
Ilalahad din ang naging halaga ng pagbuo ng mga beki sa organisasyong kasalukuyan nilang tinatawag na LGBT San Nicolas na makikitang isang pamamaraan ng mga beki sa bayan upang umukit ng isang natatanging espasyong laan sa kanila. Ang organisasyon ang inaasahang magtataguyod sa kanilang mga pangangailangan at karapatan sa komunidad. Ito ay maaari namang tingnan bilang isang halimbawa ng tinutukoy na "queer practice of producing space" ni Gieseking (2020). Dito ay makikita ang halaga ng kanilang kaalaman sa paglugar sa komunidad na siyang gumagabay sa kanilang paraan ng pakikisalamuha sa iba pang mga tao sa bayan.