Bulaklak ng Mayo: Ang Papel ng mga Kababaihan sa Pagpapatuloy ng Alayan bilang Isang Gawaing Pangkomunidad sa Batangas
Abstract
Ang alayan, na tinatawag ding pag-aalay o paalay, ay tumutukoy sa isang gawaing pangkomunidad na isinasagawa ng mga Katoliko sa bayan ng San Nicolas sa Batangas sa buong buwan ng Mayo upang papurihan at alayan ng bulaklak ang Birhen ng Caysasay na kanilang patron. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa
pagpapatuloy at pag-inog ng gawaing ito sa gitna ng isang nagbabagong komunidad.
Sa ginawang pananaliksik ay ginamit ang mga katutubong metodo katulad ng pakikipagkuwentuhan at pagtatanong-tanong. Sa una ay aking nakasama ang dalawang grupo ng mga kantura o taga-awit sa alayan at sa ikalawa naman ay ang dalawang “taong simbahan” o mga taong nangangalaga at tumutulong sa mga gawain sa simbahan. Bahagi rin ng mga datos at analisis ang aking sariling mga obserbasyon at karanasan bilang bahagi ng komunidad na naging bahagi ng pagsasagawa ng mga alayan.
Mula sa mga datos ay inilarawan sa papel ang alayan sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga taong may mahahalagang papel sa pagsasagawa nito katulad ng taong aalay, ang mga kantura at ang mga sagala; ang proseso ng pagsasagawa nito mula sa pag-usap, pagdadasal, at pag-awit; at panghuli ay ang iba pang mga elemento at materyal na bagay na ginagamit dito katulad ng emi, bulaklak a tkandila. Makikita sa pag-aaral na napakahalaga ng papel ng mga kantura sapagkat ang kanilang mga awitin ang siyang nagbibigay ng istruktura at nagpapadaloy sa alayan. Ang kanilang ugnayan sa Birhen ng Caysaysay na siyang pinatutungkulan ng mga awitin ay inilarawan gamit ang konsepto ng pagpapalitan, kung saan ang kanilang mga awit ay inaasahang papalitan ng “tuwa sa kalangitan”. Sapagkat nagpapatuloy ang pagsasagawa ng alayan sa komunidad sa pangunguna ng mga kantura, inaasahang mananatili itong buhay at bahagi ng buhay ng mga tao sa komunidad hanggang sa susunod pang mga henerasyon.
Mga susing salita: alayan, kantura, pagpapalitan, gawaing pangkomunidad, kababaihan