Kwento ng digmaan, digmaan sa kwento: Ang Naratibo ng Panulat at Manunulat sa Tagalog sa Panahon ng Okupasyong Hapones sa Pilipinas
Abstract
Layunin ng pag-aaral na ito na tukuyin ang mga tampok na pangyayari at kaganapang may kinalaman sa usaping pampanitikan at manunulat sa Tagalog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular ang librong 25 Pinakamabubuting Maikling Kathang Pilipino ng 1943 bilang primaryang batis ng pananaliksik. Susuriin ng pag-aaral ang mga ng tumatalakay sa napipinto o nagaganap nang digmaan bilang kritika at/o obserbasyon ng mga manunulat sa Tagalog na hindi maisatinig ng kasalukuyang panahong iyon ng okupasyon ng mga Hapones sa Pilipinas. Sa kabila ng sensura ng Manila Shimbunsha, ang pangunahing pangkultura’t pampropagandang ahensiya sa ilalim ng Kagawaran ng Impormasyon ng Pamahalaang Militar
ng mga Hapon sa Pilipinas, inaasahang matukoy nito ang katangian ng mga kuwentong may kinalaman at/o tumatalakay tungkol sa digmaan ng panahong iyon na napabilang sa 25 pinakamabubuting maikling kuwento at masuri ang namamayaning nilalaman at anyo ng mga ito sa pangkalahatang sipat. Nais ding mapalitaw sa pag-aaral na ito ang mga sakripisyong ipinuhunan ng mga manunulat at ng mga nagsikap na magsulat upang mabuhay at manatiling buhay—ang kanilang mga laging napapanahon at nananaig na aral sa kani-kanilang naratibo’t salaysay na may saysay, na bukod sa pagkatha, pinili ng marami sa hanay ng manunulat na landasin ang armadong pakikibaka laban sa mga dayuhan alang-alang sa Inang Bayan.