Ang Bisa ng Talaban, Ang Ugnayan ng mga Pananaw
Abstract
Ang papel na ito ay naglalaman ng mga pagmumuni-muni ng isang kapapasok na mag-aaral sa tri-college program na PhD sa Philippine Studies. Sapagkat nakasentro ang mga pagmumuni sa ilang pangunahing perspektiba sa disiplinang Philippine Studies ay maituturing ang papel na ito bilang reflexive na pagtanaw sa programang binanggit. Kung gayon ay magiging kapaki-pakinabang ang papel na ito bilang bahagi ng pagdodokumento sa paggagap ng mga mag-aaral sa programang pinapasukan. Sinipat ang mga kaalamang mula sa Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez, Pantayong Pananaw ni Zeus Salazar, at ang mga kaugnay ngunit naiiba ring makabayang oryentasyon nina Bienvenido Lumbera, Patricia Melendrez-Cruz, at Resil Mojares. Ang ideya ng pagtatalaban na binanggit ni Ramon Guillermo ang magsisilbing tagapagtahi ng mga magkakawing at nagtutunggaliang ideyang tatalakayin. Dudulo ang papel sa panimulang panawagan para sa isang “Philippine studies” na dahil lapag sa kasaysayan at lipunang Pilipino ay magkakaroon ng kabuluhan sa mas malawak na konkestong lampas sa akademya.