Ang mga Wika at ang mga Institusyon ng Mas Mataas na Edukasyon sa Lipunang Pilipino: Saysay, Kasaysayan, at Kinabukasan
Abstract
Ang wika ay functional, o may layuning isinasagawa. May wikang kumakatawan sa mga partikular na yugto ng kasaysayan o tradisyon. May wika rin na kinukupkop ng iba’t ibang mga grupo ng tao. Sinisimbolo ng wika ang kapwa positibo at negatibong mukha nito, na ayon sa aspirasyon ng mga taga-loob na nakikinabang sa pagiging bahagi ng komunidad na nagsasalita, gayundin sa mga aspirasyon ng mga nasa labas (taga-labas) ng nasabing komunidad (Brumfit 2004). Sa papel na ito, ilalahad kung paano nagiging kasangkapan ang mga Institusyon ng Mas Mataas na Edukasyon (IMME) sa Pilipinas sa pagiging “functional” ng mga partikular na wika; na ang wika ay hindi lamang kasangkapan ng IMME bilang midyum o gabay sa pagtuturo at/o bilang obheto ng pag-aaral (Brumfit 2004). Samaktwid, layunin na ipakita ang saysay ng wika at IMME sa isa’t isa at ng bawat isa sa lipunang Pilipino. May yugto ng kasaysayan kung saan kumikiling ang saysay ng wika sa aspektong ekonomikal o kultural. Ngunit upang higit na maunawaan ang pagkiling na ito, marapat na sipatin ang kapaligiran/ kasaysayan kung saan nakapaloob ang wika. Iba’t ibang hamon din ang hinarap at haharapin ng wika at IMME. Maaaring suriin ang nakaraan bilang pagtukoy sa kung paano haharapin ang kinabukasan.