Pagbabalangkas ng Gabay sa Makabayang Pagpili at Pagbasa ng mga Akdang Gagamitin sa Pagtuturo ng Panitikan sa Ikawalong Baitang

  • Anna Cristina G. Nadora University of the Philippines Integrated School

Abstract

Isa sa mga layunin ng asignaturang Filipino ang pagtataguyod ng makabayang kamalayan at damdamin. Mahalagang instrumento  sa  pagkamit ng layuning ito ang mga akdang binabasa ng mga mag-aaral. Ngunit sa pag-ebalweyt ng kurikulum at modyul ng asignaturang Filipino sa ikawalong baitang, natuklasan ng pag-aaral na ito na may kakulangan sa pamantayan ng pagpili at pagbasa ng mga akdang ginagamit sa pagtuturo ng panitikan. Inilatag ng pag-aaral ang ilang paraan sa pagpili at pagbasa ng mga akda na nakaangkla sa pagkakaroon ng kamalayang makabayan.

Gamit ang konsepto ng pagiging makabayan ni Renato Constantino, tinalakay sa pag-aaral na ito ang ilang paraan ng pagpapamalas ng pagiging makabayan: una, sa pagbuwag ng kolonyal sa kamalayan at ikalawa, sa pagsulong ng progresibong kultura. Sa pagbuwag ng kolonyal na kamalayan, kabilang dito ang pagkilala sa soberanya ng bansa, pagsulong ng wikang pambansa, at paglilingkod sa lokal na industriya. Sa bahagi naman ng pagsusulong ng progresibong kultura, kabilang dito ang pagbuwag sa pyudalismo, pagbuwag ng patriyarkal na kamalayan, at pagsulong ng siyentipikong lapit.

Sa pamamagitan ng textual analysis, binasa ang mga akda sa modyul ng Filipino sa Ikawalong baitang mula sa Departamento ng Edukasyon upang masuri ang kamalayang tinataglay  ng mga ito. Tiningnan din kung paano tinatalakay sa klase ang mga ito gamit ang mga tanong tungkol sa nilalaman ng akda na bahagi ng modyul. Mula sa pagsusuring ito, pinagtibay ng pag-aaral ang mga katangian ng pagiging makabayan ayon kay Constantino at nakapagbalangkas ng ilang panimulang gabay sa makabayang pagpili at pagbasa ng mga akda.

 

Published
2017-11-03
Section
Articles