Politika ng Disenyo, Disenyo ng Politika sa Teksbuk ng Filipino 8 ng K-12 Kurikulum

  • Carlo C. Pineda University of the Philippines Diliman

Abstract

Itinuturing ang teksbuk bilang kultural na dokumento ng tunggalian at kompromiso ng mga panlabas na puwersang sumasala sa mga kaalamang itinuturo sa loob ng silid-aralan. Layunin ng pag-aaral na palitawin ang politika sa likod ng mekanismo ng produksiyon ng kaalaman at kamalayan sa pagkakadisenyo ng teksbuk. Gamit ang pagsusuri sa estruktura, nilalaman, at ekspektasyon na hinalaw sa modelo ng pagsusuri ng teksbuk ni Lisa O’keeffe (2012), natukoy ang mga paraan ng pagsasala ng kaalaman at kasanayang nakapaloob sa nag-iisang teksbuk ng Filipino 8 ng Department of Education na inilabas noong 2013 sa ilalim ng K to 12 Kurikulum. Lumabas sa pagsusuri na nagkaroon ng sariling direksiyon ang kurikulum sa daloy ng aralin. Sa kabila nito, nakitang may pagkukulang sa paggamit ng ilang elementong biswal. Kuwestiyonable rin ang pagkakalatag ng naratibong pangkasaysayang bumubura sa gampanin ng katutubo at pakikibaka sa pagbuo ng pambansang pagkakakilanlan. Maliban pa rito, lumilitaw ding nabibigyan ng pribilehiyo ang mga mag-aaral na may higit na nalalaman at akses sa mga kagamitan at resource sa mga gawain. Lumilitaw ang malaking puwang sa pagitan ng mga uri sa sistema ng pagkatuto. Nakasandig ang disenyo ng politika sa sistemang lumalayo sa layuning mabuo ang pambansang kamalayan ng mga mag-aaral.

Published
2024-07-11
Section
Articles