Deribasyon at Impleksiyon sa mga Salita sa Pangungusap sa Wikang Kamayo

  • Mary Ann S. Sandoval Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT)
  • Erwin R. Bucjan North Eastern Mindanao State University

Abstract

Tinatalakay sa bahaging ito ang pagbuo ng mga pangungusap. Dito pinag-aralan ang pagganap ng deribasyon at impleksiyon ng mga salita sa pangungusap sa wikang Kamayo. Ang pag-aaral na ito ang nagbuklat sa sintaktika ng wikang Kamayo sa unang distrito ng Surigao del Sur na kinapapalooban ng Marihatag, San Agustin, at Lianga.


 


Ginamitan ang pananaliksik ng disenyong kuwalitatibo. Indihena o pangkatutubo ang pamamaraang ginamit sa pag-aaral batay sa iskalang patutunguhan ng mananaliksik at kalahok. Deskriptibong analisis naman ang ginamit sa pagsusuri at purposive criterion sampling ang ginamit sa pagpili ng anim na impormante. Nagsagawa rin ng interbiyu sa may edad 60 pataas para sa paglikom ng mga datos.


 


Natuklasan ng mga mananaliksik na maliban sa mga panlaping ga-…in- at yag, ginagamit din ang mga panlaping gapa, pag, mag, tag at yaga sa pagbuo ng mga pandiwa mula sa salitang-ugat ng pangngalan. Ginagamit sa wikang Kamayo ang mga panlaping yag- at ya- sa paglalapi sa pokus tagaganap na pangungusap. Pangunahing gamit naman ang mga panlaping tag- at paga- sa pokus sa layon. Tumutuon ang pandiwang nasa pokus na tagatanggap sa tao o bagay na nakikinabang sa resulta ng kilos na isinasaad ng pandiwa. Binubuo ng mga panlaping tag--an at paga--an ang pokus na ito. Ganunpaman binubuo ang pokus na ganapan ng mga panlaping tag--an at paga--an.


 


Ang panlaping ginagamit sa pagbuo ng pokus sa kagamitan ay tag- at ipang--tay. Dito, ang bagay na ginamit o naging kagamitan sa pagganap ng kilos ang pinagtutuunan ng pandiwang nasa pokus na ito.


 


Gayunman, ang paggamit ng wikang kamayo ay tumutukoy sa identidad ng mga taong nanirahan sa unang distrito ng Surigao del Sur.

Published
2024-05-16
Section
Articles