Ilang Leksiyon Mula sa Uwak
Abstract
Hindi lang basta ibon ang uwak gaya ng hindi lang basta aso ang aso o pusa ang pusa. Pagkatao natin ang hayop na nais natin, inaalagaan man ito o hindi. Lagi’t laging may dahilan at paliwanag ang koneksiyon ng tao sa hayop; sabi pa nga’y mataas na uri ng hayop ang tao.
Tao man o hayop ay inihahawla sa iba’t ibang anyo. Ang paghahawla sa simula ay proteksiyon habang natututo. Sa lagay ng uwak na hindi pa makalipad at makakain nang maayos, nasa pugad ito o ihahawla upang hindi lapain ng mas malaki pang ibon o hayop at kailangang pakainin hanggang sa lumaki na’t may kapasidad na humanap ng sariling makakain. Ang ganitong paghahawla ay halos walang ipinagkaiba sa tao ngunit hindi na ito akma kung nasa proseso na ng pag-unlad at may kapasidad na siyang kumilos at magpasya.
Lahat ay may pamamaraan upang buksan, wasakin, wakasan, ang hawla. Sa lagay ko, pagguhit at pagsusulat ang naging aking pamamaraan. At magkakaroon nga ng panahon para sa pagsusulat at pagguhit sa panahong bawal lumabas sa kasagsagan ng pandemya. Makababalangkas ako ng mga plano kung paano tumakas nang hindi pisikal kundi saykolohikal. Mga planong kalaunan ay susi sa hawla sa anyo ng pinagsamang iginuhit at isinulat upang makakita ng posibilidad na makalabas bagaman nasa iisang lunan lamang. Ang pagkakaroon ng kapasidad na magpasya at kumilos ang mag-uudyok sa ating kumawala at umunlad pa. Gaya nga nang alagaan ko ang isang uwak at kalaunan ay pakawalan ito. Sino nga ba ang lumaya, ang nagparaya o ang pinaraya?