Sentenaryo ng Kilusang Manggagawa

  • Dante L. Ambrosio

Abstract

Hindi maaaring ihiwalay ang pagdiriwang ng sentenaryo ng kilusang manggagawa sa mga naganap sa kapuluan isandaang taon na ang nakaraan. Una, ang mismong mga salik at puwersang nagluwal sa mga kilusang reporma at kilusang rebolusyunaryo noong mga huling dekada ng siglo 19 ang siya nga ring nagluwal at nagpabilis sa paglitaw ng kuerpo ng mga manggagawa at ng kanilang kilusan nang mga panahong ito. Ikalawa, nasa kasagsagan mismo ng rebolusyonaryong pagkilos ang mga manggagawa na nag-ambag sa pagtatatag at pagpapalakas ng Katipunan, gayundin sa paglulunsad at pagsusulong ng Rebolusyong 1896. lkatlo, kahit sa panahong tinanggap na ng mga pangunahing lider ng pag-aalsa ang pananakop ng Estados Unidos, nagpatuloy ang mga manggagawa sa kanilang pakikibaka kabilang ang pagbubuo ng sarili nilang organisasyon, paglulunsad ng kilusang welga at pagsusulong ng kilusang makabayan sa pamamagitan ng pagpoprotesta, pagpapalabas ng mga makabayang dula at iba pang gawaing pangteatro at pakikipag-ugnayan kundi man pakikipagtulungan sa kilusang gerilya.

Ang mga ito ang lalong nagpatingkad sa kahalagahan ng sentenaryo ng kilusang manggagawa. Kung hindi man naging sentro ng pagdiriwang ng mga sentenaryo ang Rebolusyong 1896, magagawa marahil ng kilusang manggagawa na higit itong patampukin sa proseso ng pagdiriwang ng ika-100 kaarawan nito kasama ang iba pang mamamayan ng bansa.
Published
2010-04-23