Labindalawang Taon ng Makakaliwang Grupong Party-list sa Kongresong Pilipino
Abstract
Mahigit labindalawang taon matapos ipatupad ang Party-List System Act of 1995 sa eleksyon ng Mayo 1998, may pangangailangang patuloy na pag-aralan ang mga napanagumpayan ng mga makakaliwang grupong party-list sa Kongresong Pilipino. Bagamat may mga pag-aaral na hinggil sa aktibong pagkakaugnay sa mga kilusang panlipunan ng mga progresibong grupong party-list at pati na ang kanilang maaasahang papel bilang bantay-bayan sa Kamara ng mga Representante, wala pa talagang maituturing na pag-aaral sa panlehislatibong rekord ng mga makakaliwang grupong party-list na nagpopokus sa mga ipinasang batas. Tatangkaing punan ng preliminaryong pag-aaral na ito ang naturang kakulangan sa pamamagitan ng paghahain ng pangkalahatang pagtanaw sa mga Batas Republika na inakda bilang pangunahing may-akda o kasamang may-akda ng AKBAYAN at MAKABAYAN, dalawa sa pinakadeterminadong makakaliwang pagtatangkang palayain ang lehislaturang Pilipino sa tradisyunal na pulitika. Gayundin, titingnan ng pag-aaral na ito ang mga pagkakatugma at pagkakatunggali ng AKBAYAN at MAKABAYAN sa pagsusulong ng mga batas para sa repormang panlipunan. Magsisilbi ang pananaw sa mga pagkakatugma at pagkakatunggaling ito bilang tuntungan sa mga posibilidad para sa isang progresibong ajendang panlehislatibo sa ika-15 Kongresong Pilipino, kung saan naglilingkod ang AKBAYAN at MAKABAYAN bilang natitirang makakaliwang grupong party-list.
Published
2011-12-22
Section
Articles
Keywords
Akbayan, Makabayan