Mula sa Ligalig ng Digma Hanggang sa Bagabag ng Kapayapaan: Pagsusuring Kontekstwal sa Violence Against Women in Times of War and Peace ni Aida F. Santos
Abstract
Sa pagsusuring kontekstwal na ito hinggil sa aklat na Violence Against Women in Times of War and Peace ni Aida F. Santos, mahalagang natukoy at nailarawan ang kalagayan, gampanin, atepekto ng mga digmaan sa kababaihan. Sinipat din ang kanilang pag-angkop sa panahon na ang katotohanan ng kapayapaan ay malayo sa kanilang reyalidad. Nailapat at naiugnay sa kontekstong Pilipino ang pagbangon ng kababaihan upang harapin ang mga hamon ng kontemporaryong panahon na maituturing na “postwar.” Kung gayon, ang rebyu na ito ay nakabalangkas sa mga mahahalagang punto na nabanggit sa itaas. Iminumungkahi ng aklat na ang pinakamabisang paraan upang mahinto ang karahasan sa kababaihan ay ang pagpapakita ng kapayapaan sa gitna ng kaguluhan. Ang nosyon sa kapayapaan ay dapat mahubog labas sa patriyarkal na kalikasan ng lipunan. Ang mahabang panahon ng digmaa’t pang-aapi sa panahon ng kapayapaan ay nagbunga ng mga militanteng pagkilos upang maipakita na dapat na mabigyan ang kababaihan ng espasyo at tinig upang makamit ang kapayapaan
na nangangahulugan ng paglaya mula sa iba’t ibang puwersa ng nagpapahirap sa kanila. Sa kabuoan, may saysay ang pagbasa sa ganitong uri ng mga aklat upang mapag-isip at hamunin tayo na tumindig, at magbangon kung kinakailangan tungo sa ingklusibo at mapagkalingang lipunan. Nagpapaunawa ang akdang ito na ang dinadanas natin ay hindi malayo sa karanasan ng ibang bayan. Kaya’t nangangailangan ng malawakang pagkilos at pagpapalaya dahil may iba pang anyo, hugis, at porma ang konseptong“digmaan” at “kapayapaan” na naging tuntungan ng pagsusuring papel na ito.
Published
2024-03-26
Section
Reviews