Asinatada: Kababaihan, Kasaysayan, at Panulaan sa Ngalan ng Ina

  • Arthur M. Navarro

Abstract

Book Review
Lilia Quindoza-Santiago. Sa Ngalan ng Ina: 100 Taon ng Tulang Feminista sa Pilipinas, 1889-1989. Quezon City: University of the Philippines Press, 1997, xii, 393 pp. ISBN 971-542-095-8.

by Arthur M. Navarro

Panimula

Malaki ang dapat ipagpasalamat ng pagsasakasaysayang Pilipino at kilusang kababaihan at kilusang feminista sa Pilipinas kay Dr. Lilia Quindoza-Santiago sa paglalathala niya ng isang mapanghawang pag-aaral tungkol sa kababaihan at panulaang Pilipino.

Sa mahabang panahon, sa halip na ipaghele ng mga mananalaysay na malay sa kasarian, ang pagsasakasaysayang Pilipino ay hinubog sa tikas at tindig ng mga sexistang historyador. Hindi naging malay ang mga lalaking historyador tulad nina Gregorio Zaide, Teodoro Agoncillo, Renato Constantino, at maging si Amado Guerrero o Jose Maria Sison, sa salungatan at tunggaliang pangkasarian sa lipunang Pilipino. Kung isinaalang-alang man ang kababaihan sa kanilang mga akda, ito'y bilang consuelo de bobo lamang sapagkat lagi pa ring ikinakabit at ikinakawing sa kalalakihan ang kasaysayan. Sa kanilang mga akda, palasak ang mga deskripsiyong gaya ng "Gabriela Silang, asawa ni Diego Silang," "Josefa Rizal, kapatid ni Jose Rizal," at "Gregoria de Jesus, asawa ni Andres Bonifacio na naging asawa ni Julio Nakpil." Nakalulungkot-isipin na ang ganitong kakulangan sa kamalayan sa kasarian ay naroroon din sa mga akdang diumano'y sinulat ng mga babae at maka-babae bilang pagkilala sa ambag ng kababaihan sa kasaysayan. Halimbawa nito ang pinkahuling komprehensibong aklat tungkol sa papel ng kababaihan sa himagsikan na Women in the Philippine Revolution (Hilario-Soriano, 1995). Bagamat naitampok nito ang kababaihan sa kasaysayan, ipinapalagay pa rin ng pag-aaral na kailangang ikabit at ikawing muna sa kalalakihan ang kababaihan upang magkaroon ng kasinuhan at katauhan ang mga babae sa kasaysayan. Laging tinitingnan na pumapangalawa lamang ang kababaihan sa paglikha ng kasaysayan, sa halip na kilalanin na may sariling kasinuhan at katauhan ang kababaihan tulad ng anupamang kasarian sa kabuuang kasaysayang Pilipino.
Published
2007-02-28
Section
Review Essay