Tungo sa Hardin ng Tao: “Si Bonifacio ang pinakauna, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong Indonesia, oo, sa buong Asia na nanggaling sa, at edukado bilang, proletaryado, na nag-organisa ng mga proletaryo.” ni Tan Malaka

  • Ramon Guillermo University of the Philippines Diliman

Abstract

Salin ito ng sanaysay na “Ke Taman Manusia” (sinulat taong 1943) na kathangisip ng Indones na lider komunista na si Tan Malaka o Ibrahim gelar Datuk Tan Malaka (1897-1949) hinggil sa isang “Taman Manusia” o “Hardin ng Tao” na itatayo ng darating na Republika ng Indonesia sa hinaharap. Dahil sa futuristiko nitong perspektiba, maihahalintulad ang obrang ito ni Tan Malaka sa sanaysay ni Jose Rizal na “Filipinas dentro de cien años” (Ang Pilipinas sa loob ng isang dantaon) (1891). Galing ito sa napakalaking akdang pilosopikal ni Tan Malaka na pinamagatang Madilog: Materialisme, Dialektika, Logika (1948) (Larawan 1) at tila tumatayo bilang pansarang mga repleksyon nito (Magnis-Suseno, 2005, pp. 205-233). Ang akdang ito ay unang inilathala noong 1951 ng Terbitan Widjaya sa Jakarta.

Si Tan Malaka ay namuno sa Partai Komunis Indonesia (PKI) mula 1921 hanggang 1922. Itinatag ang PKI noong 1920. Pagkatapos ay naging pinuno siya ng Komintern para sa Timog-Silangang Asya. Lumagi si Tan Malaka sa Pilipinas noong 1925 hanggang 1926 at naging kaibigan ng mga Filipino, tulad ng magiging tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na si Crisanto Evangelista (Larawan 2). May isang buong kabanatang nakaukol sa Pilipinas sa kanyang awtobiograpiyang may apat na bolyum na pinamagatang Dari Penjara ke Penjara (Mula Bilangguan patungong Bilangguan) (Tan Malaka, 2000, pp. 201-242). Hindi pa rin ganap na malinaw ang sirkumstansya ng pagkabihag at pagpatay sa kanya noong 1949.

Nakabatay ang kasalukuyang salin sa inilathalang orihinal na bersyon na Tan Malaka (2008). Sinanggunian para sa ilang malalabong bahagi ang pinamatnugutan at modernisadong edisyon ni Ronny Agustinus sa Tan Malaka (1999). Nagpapasalamat ang tagasalin kina Hilmar Farid at Benedict Anderson para sa kanilang mga pagwawasto sa ilang bahagi ng saling ito. Salamat rin kina Caroline Hau at Zeus A. Salazar para sa ilang sinangguning materyales. Ang lahat ng mga tala at anotasyon ay dagdag na ng tagasalin.

Keywords: Tan Malaka, Andres Bonifacio, Jose Rizal, Indonesia Futurology

Section
Translation