Tungo sa unang sentenaryo ni Bonifacio: Mga pakikibaka at pagpupunyagi para sa Supremo ng Katipunan, 1897–1963 (Towards Bonifacio’s first centennial: The struggles and endeavors for the Supremo of the Katipunan, 1897–1963)

  • Kristoffer R. Esquejo

Abstract

Sa kabila ng matayog na papel na ginampanan ni Andres Bonifacio sa pagtatatag ng Katipunan at pagpapasiklab ng Himagsikang 1896, lubhang naging mabagal ang isinagawang pagkilala sa kaniya ng estado at ng akademya. Matapos ang mapait na kamatayan ng Supremo noong 1897, nasadlak ang kaniyang alaala sa negatibong pagkakakilanlan na sinabayan pa ng pagtatangka ng ilang sektor na supilin ang paggawad sa kaniya ng maringal na pagkilala bilang bayani. Gayunpaman, hindi natinag ang ilang samahang pansibikong maka-Bonifacio, kaisa ang ilang akademiko at lider pampolitika, upang itampok at iluklok siya sa pedestal. Bunga ng kanilang marubdob na pagsusumikap, kalaunan ay tuluyan na siyang itinanghal ng estado na makikita sa pagsulputan ng samu’t saring monumento, lansangan, paaralan, at salaping barya at papel na lantarang gumugunita sa kaniyang kabayanihan at kadakilaan. Batay sa mga pahayagan at ilang nailathalang gunita, ang papel na ito ay isang historikokultural na analisis ng mga pangyayari kung paano ginunita at itinanghal ng mga samahang pansibiko, akademya, at estado ang Supremo ng Katipunan simula 1897 hanggang 1963, ang taon ng sentenaryo ng kaniyang kapanganakan. Sa pamamagitan nito, nilalayon ng papel na ito na makapag-ambag sa lumalagong larangan ng araling gunita (memory studies) at pulitika ng gunita (politics of memory).

Published
2021-05-24
Section
Articles