Ay Hao: Dayalek ng Tagalog sa Rizal
Abstract
Ang bibigyan ng pansin sa papel na ito’y ang dayalek na mas malawak ang gamit, ang ginagamit ng isang komunidad o grupo ng mga komunidad na karaniwang matatagpuan sa isang lokasyong jograpikal. Ang dayalek ng Tagalog (Tag) na sinasalita sa Rizal (R) ang didiskasin dito. Ang mga pagkakaiba ng mga tunog sa mga eryang relik ang ispesipikong tapik ng papel na ito.
Maraming dayalek ang Tag, at kadalasan, kinikilala ang mga ito sa pagkakaiba ng mga punto ng mga nagsasalita kaya’t nasasabi na ang isa’y taga-Bulacan, taga-Batangas, o di-kaya, taga-Laguna. Kung minsan, napapansin ang kaibahan ng ilan sa mga salitang pareho ang kahulugan pero iba ang kumposisyon ng mga tunog na nagbubuo ng mga salitang ito. Pero hindi gaanong napapansin ang kaibahan ng ilang tunog o ng ilang katangiang gramatikal kung hindi ito sadyang iniisip. Halimbawa, sa Taal, Batangas maririnig ang “Sinsay ka muna” imbis na “Dumaan ka muna” na ginagamit sa ibang lugar ng Katagalugan. Sinasabi sa Lukban, Laguna ang “Lamunin mo iyan” na katumbas ng “Lunukin mo yan” sa ibang lugar. Meron na akong nagawang pag-aaral tungkol sa Tag ng R, “Isang Preliminaryong Pag-aaral ng Tagalog sa Rizal”, na kung saan naipakita ko na mey dalawang eryang relik sa lugar na ito sa pamamagitan ng ebidensyang leksikal at sa pagkukumpul-kumpol ng mga aysoglos. Sa kasalukuyang papel, ipagpapatuloy ang pagtatag ng teyoryang ito sa pamamagitan ng mga pagbabago ng mga rul na istruktura ng tunog sa nasabing dayalek ng Tag. Sisikapin kong makabigay ng ilang mungkahi tungkol sa beysik na dayalek o iyong sinaunang anyo nito.