Abstract
Noong taong 2000 ay binuksan ang bagong kategorya sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature—ang future fiction. Ang katangi-tangi sa kategoryang ito, kaiba kaysa iba pang kategorya na ang ibinibigay lamang ay ang kahingian sa format, ay ang tiyak na tema na hinihingi sa mga kuwentong ilalahok – ang Filipinas sa hinaharap. Hindi man binigyang-diin ang motibasyon sa pagdagdag ng naturang genre bilang isang bagong kategorya sa patimpalak, interesante ang timing ng paglulunsad nito. Sa pagdating ng isang bagong milenyo, hindi maaaring malimutan ang global na agam-agam na dulot ng isang figuratibong bagong lahi ng insekto na ang konstruksiyon ay may bahid ng teknolohikal na paghubog. Sino ba ang makakalimot sa kagat ng Y2K bug na inakalang magpapatumba sa modernong sistema ng pag-iral ng halos lahat ng aspekto ng makabagong buhay lalo para sa mga industriyalisadong bansa? Marahil, habang nangangatog ang lahat sa nagbabadyang “dilim” na hudyat ng katapusan ng lubos na pag-asa sa maunlad teknolohiya, ang mga bansa namang “lo-tek” ay mas nananabik (na may halong kaba) sa kung ano kaya talaga ang mangyayari sa mundo na para bang nagaabang lang sa paglalantad ng rurok sa banghay ng isang scifi film.