Pagmamapa ng Sinehan Bilang Espasyong Homoseksuwal sa Panitikang Bakla
Abstract
Sa dulang “Last Full Show” ni Chris Martinez, ipinakita kung paanong nagkakilala sa loob ng isang lumang sinehan ang dalawang bakla. Pelikulang katatakutan ang palabas sa loob ng sinehan, pero hindi abala sa panonood ang mga manonood: mas abala sila sa paglilibot at paghahanap ng makakatalik.Maaaring isipin na nakapagbibigay ang dula ng komentaryo ukol sa panonood o voyeurism. Nagsilbi ito bilang meta-espektakulo: pinanonood ng mga manonood ng dula ang panonood ng pelikula ng mga manonood sa loob ng sinehan na siyang isinasadula. Lalong nabigyang-diin ang karanasang meta dahil sa pagtatapos ng dula, ipinakitang pareho palang aswang ang mga pangunahing tauhan sa kung kaya lubos ang panunuot ng katatakutan: nanonood ng katatakutan ang mga manonood sa loob ng sinehan at gayundin, nagsasadula rin sila ng isang katatakutan na pinanonood ng mga manonood ng dula.