Pagbabalik-Tanaw sa Masalimuot na Ugnayang Tsino-Español sa Pilipinas at Pag-iimahen sa mga Tsino noong Dantaon 16-18 1
Abstract
ABSTRAK
Mas matagal nang namalagi ang mga Tsino sa kapuluan ng Pilipinas kaysa sa mga mananakop
na Español. Kung kayâ, hindi maiiwasan ang pagtatagpo ng dalawang pangkat na ito sa agos ng
tatlong dantaon ng kolonisasyon. Sa pagbabasá ng mga naunang literatura hinggil sa lipunang Tsino
sa Pilipinas noong panahon ng kolonisasyon, matatawag na masalimuot na duwalidad ang naging
ugnayang Tsino-Español noong ika-16-18 na dantaon. Tumuon ang papel sa maraming hidwaan sa
pagitan ng mga Tsino at Español sa loob ng tatlong kategorya na tinatawag na “suliraning Tsino”:
(1) ang naganap at bantang pagsalakay ng mga banyagang Tsino; (2) ang rebelyon at malawakang
pagpatay ng mga Tsino; at (3) ang polisiya sa pagkontrol ng populasyon ng mga Tsino sa kolonya.
Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw at pagtatasa ng mga ito, iminumungkahi at sinusuportahan
ng papel ang panibagong pag-iimahen sa mga Tsino sa Pilipinas bÍlang impluwensiyal at
pinangangambahang grupo kompara sa matagal nang itinatatak sa kaniláng “despised cultural
minority” (Abinales & Amorsolo 65).
Mga susing salita: lipunang Tsino, araling Tsino, ugnayang Tsino-Español, kolonisasyon, Kasaysayan