Bakunang Mula sa Tao Para sa Tao
Abstract
ABSTRAK
Dahil sa pananaw ng pamahalaan na isang digmaan ang pandemyang COVID-19, isa ang Pilipinas
sa may pinakamahaba at pinakamalupit na lockdown sa buong mundo. Pinagdedesisyunan ang
mga estratehiya mula sa itaas pababa at ipinapataw ang mga polisiya nang walang konsultasyon sa
mga mamamayan. Sa harap ng maraming pagkukulang ng gobyerno, kinuha ng mamamayan ang
oportunidad na mag-organisa ng sari-sarili nilang tugon sa pandemya tulad ng Community Pantry,
volunteer groups, at relief operations.
Isa pang halimbawa ng pag-oorganisang pampamayanan sa panahon ng pandemya ang
Bakunahan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Bukod sa kapos na ayuda para sa mga
komunidad, naging makupad din ang rollout ng bakuna sa bansa. BÍlang tugon dito, nag-organisa
ang komunidad ng UP ng isang vaccination center na una’y tinarget mabakunahan ang kawanihan ng
pamantasan ngunit kinalauna’y naging bukás sa mga residente ng Lungsod Quezon.
Isinasadokumento ng pag-aaral na ito ang pag-usbong, pagpapagana, at pag-unlad ng
Bakunahan sa UP Diliman. Nakasalalay ang deskriptibong pag-aaral sa balangkas ng pag-oorganisang
pampamayanan na “mula sa tao, para sa tao” ni Angelito Manalili. Bukod sa pagsusuri ng mga opisyal
na dokumento mula sa proyekto, humahalaw rin kami sa sariling karanasan bilang mga organisador sa
Bakunahan. Binibigyang-pokus namin ang mga estratehiyang ginamit ng mga organisador upang
(1) makapanghikayat ng mga boluntaryo; (2) mapaghugpong ang iba’t ibang kaalaman at kasanayan
sa disenyo ng proyekto; (3) magsagawa ng sistema ng pagtatasa; at (4) makipag-alyansa sa iba pang
komunidad at organisasyon. Patunay lámang ang kasong ito na may kakayahan ang mamamayang
mag-organisa sa panahon ng politikal at pangkalusugang krisis.
Mga susing salita: COVID-19; pagbabakuna; pag-oorganisa ng komunidad; pagpapaunlad ng
pamayanan; pandemya