Pagpaplanong Pangwika sa New Southbound Policy at ang Pagtuturo ng Filipino sa Taiwan
Abstract
Pangunahing layunin ng papel na ito na maitanghal ang pagtuturo ng Filipino sa Taiwan bilang bahagi
ng Southeast Asian Language Program sa ilalim ng New Southbound Policy na isang pangunahing
programa na nagtuturo ng Filipino mula elementarya sa labas ng bansa. Ikalawa, masuri ang
programang ito sa dalumat ng pagpaplanong pangwika. Tatalakayin sa papel ang mga sumusunod:
ang New Southbound Policy (NSP) ng Taiwan, ang Southeast Asian Language Program na bahagi ng
NSP, ang kaligiran ng pagtuturo ng Filipino sa Taiwan, at ang pagsusuri ng SEAL sa pamamagitan ng
dalumat ng pagpaplanong pangwika. Sa huli, sa pamamagitan ng maihaharap na datos, susuriin ang
kalagayan ng Filipino sa iskema ng pagpapatupad ng nasabing programang pangwika. Pangunahing
patakaran ni Pangulong Tsai In-Wen ng Taiwan para sa ugnayang pandaigdig ang New Southbound
Policy (NSP). Nakadisenyo ito upang palakasin ang pakikipagkalakalan at pang-ekonomikong
ugnayan ng Taiwan at ng sampung bansa sa ASEAN, 6 na estado sa Timog Asya, Australia at New
Zealand. Layon nitong magkaroon ng aktibong papel sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapalakas
ng mga kooperasyon sa kalakalan, sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng resources at tao sa taong
pagpapalitan. Naging esensyal na bahagi ng New Southbound Policy ang South East Asian Language
Program na pagtuturo ng 7 South East Asian na mga wika. Kabilang rito ang Filipino na sinimulang
ituro mula pa 2017. Layon rin ng programa na ma-accommodate ang mga anak ng mga immigrant
sa Taiwan at bigyan ng higit na kasanayan ang mga bata at kabataan sa Taiwan at maipakilala sa
kanila ang mga kultura sa Timog Silangang Asya. Pumapasok ang programang SEAL ng NSP sa
dalumat ng pagpaplanong pangwika ni Cooper. Mula sa layon na hindi lamang linggwistika na may
kinalaman sa akwisiyon ng panibagong wika, tumutungo ito sa mga layunin na bentahe sa ekonomiya
at cooption ng minoridad. Sa kasong ito, nariyan ang paglago ng mga pamumuhunan at kalakal sa
pagitan ng Taiwan at mga katuwang na bansa sa tulong ng mga naisagawa at isinasagawang tao sa taong
pagpapalitan ng wika at kultura. Kasama rin ang integrasyon ng mga immigrant sa lipunan
ng Taiwan na sa wika ni Cooper ay cooption ng minoridad. Sa dalumat na ito, nasaan nga ba ang
wikang Filipino? Maituturing na pagkilala at pagpapahalaga ito sa wika at kulturang Filipino vis
a vis pagpapahalaga sa bahagi ng populasyon ng mga immigrant gayundin ng mga migrante sa
Taiwan. Ngunit kailangan ding pag-isipan kung saan dapat lumugar ang wika at kulturang Filipino sa
kabuuang iskema na ito. Mananatili ba itong isang wika o asignatura ng pag-aaralan kung ihahain at
isasama sa programa ng ibang bansa? Sa panahong malakas ang ragasa ng globalisasyon at ang hatak
ng internalisasyon, kailangang makipagsabayan ang bansa. Maaaring matuto tayo sa ibang bansa
ngunit mula sa pagkatutong ito, tayo mismo ang magigiit, magpahalaga, magpalano at magtanghal
ng wika at kulturang Filipino sa loob at labas ng Pilipinas.