Pagpapakahulugan sa Konsepto ng Kalooban sa Kongregasyon ng Jesus Miracle Crusade International Ministry (JMCIM)
Abstract
Bagaman malaon nang pinapakahulugan ng mga iskolar ang konsepto ng kalooban sa lipunang
Pilipino, nangangailangan pa ring mapatingkad ito sa konteksto ng mga relihiyosong institusyon sa
Pilipinas. Esensiyal ang usapin ng kalooban sa konteksto ng espiritwalidad, sapagkat lumilikha ito
ng mga serye ng kaisipan at kulturang tumutungo o umuugnay sa Diyos. Nagsisilbing lunsaran ito
ng etika, batas, o moralidad ng iba’t ibang grupo ng mananampalataya sa kanilang pang-araw-araw
na pamumuhay. Sa ganitong tulak, nahuhubog ang partikularidad sa paggamit sa kalooban bílang
ugnayan sa Diyos sa konteksto ng relihiyosong institusyon.
Sinuri sa pananaliksik ang iba’t ibang pagpapakahulugan sa konsepto ng kalooban sa
kongregasyon ng JMCIM at tinalakay rin kung paano nakapag-aambag ang espiritwalidad ng mga
kasapi sa paglawig ng konsepto ng kalooban bílang ugnayan sa Diyos; at maging sa kanilang praktis,
etika, at pananampalataya. Gamit ang pamamaraan ng obserbasyon, pakikipanayam, pangangalap
ng mga pag-aaral ng salita ng Diyos, patotoo at mga awitin, lumitaw sa pag-aaral na malaki ang
ginagampanan ng isang grupo ng relihiyon o kongregasyon gaya ng JMCIM sa paglikha at pagyabong
ng mga natatanging katangian ng konsepto ng kalooban.
Natunghayan sa pananaliksik ang mga konsepto o usaping kaugnay sa kalooban sa kongregasyon
ng JMCIM at sa kabuuang diskurso ng mga kasapi nito hinggil sa paggamit ng konseptong ito sa
kanilang praktis bílang isang grupo ng mga mananampalataya.