Ang Posibilidad at Hanggahan ng Ekosalin: Isang Pagbabalangkas at Paglalapat ng Nababagong Teorya sa Larangan ng Pagsasalin¹*
Abstract
Nakatuon ang pag-aaral na ito sa pagbubuo at paglalapat ng dulog pampagsasaling nakasentro sa kalikasan na tatawaging “ekosalin” na salig sa larangan ng eco-translation at ekolingguwistika. Ilalapat ang nabuong dulog o ang ekosalin sa mga pilíng artikulo sa Ingles na arawang lumabas sa pahayagang The Manila Times noong 1986-1989 — ang Halupi, partikular ang mga pumapaksa sa flora at fauna na ituturing sa pag-aaral na ito bílang mga stories-we-live-by o mga-kuwentong-nakasanayan-na. Pangunahing hakbang ang paglalantad sa mga padron ng paggamit ng wika sa loob o kabuoan ng teksto, gayundin ang pagtatabi ng mga teksto sa inilatag na ekosopiya ng tagasalin na nakasandig sa konsepto ng malalim na ekolohiya o deep ecology, at nakaangkla sa kasalukuyang lagay ng kalikasan o kapaligirang ginagalawan ng tagasalin. Sa pamamagitan nito, matutukoy ang mga (1) tekstong benepisyal para sa kalikasan kayâ dapat na isalin nang walang pagbabago, (2) ambivalent o alanganin na kinakailangang ayusin sa salin, at (3) destruktibo o nakasasama sa kalikasan kayâ dapat isantabi’t hindi na isalin. Naroon ang paniwala na kapag nakapasok na sa sistema ang ekosalin ng mga teksto, magagawa na ng ekolohikal na pananaw na makapasok sa nangingibabaw na ideolohiya at sirain ang kasalukuyang mga restriksiyong panlipunan na magbubunsod sa mga panibagong gawi’t asal na magsasantabi sa mga praktikang anti-ekolohikal.