Ang Moral na Ligalig ng Agosto-Setyembre Taong 1995 hinggil sa mga Awitin ng Bandang Eraserheads, Yano, at Teeth
Abstract
Hindi maipagkakailang inanak ng dekada nobenta ang ilan sa pinakamahuhusay na banda sa kasaysayan ng musikang popular sa bansa. Naging mukha ng industriya ng Orihinal na Pilipinong Musika o OPM ang mga banda sa panahong ito. Bagaman nagkaroon ng panibagong sigla’t nakuha ng mga bandang tumutugtog ng musikang rock ang atensiyon ng publiko sa kani-kanilang mga awitin, hindi nakaligtas sa kontrobersiya ang ilan sa pinakamalalaking banda ng nasabing panahon. Sa saliksikin ng papel na ito ang yugto sa kasaysayan ng musikang popular sa bansa noong kalagitnaan ng dekada nobenta. Sa panahong ito tahasang inakusahang naglalaman ng promosyon ng ilegal na droga’t satanismo ang ilang popular na awitin mula sa bandang Eraserheads, Teeth, at Yano. Itinuturing itong halimbawa ng isang moral na ligalig, isang maiksing yugto sa kasaysayan kung saan nagkakaisa sa paniniwala ang iba’t ibang sektor sa lipunan na nagdudulot ng banta o panganib ang isang partikular na grupo bagaman walang sapat na batayan o kung hindi man, eksaherado ang mga bintang. Susuriin ang gampanin ng iba’t ibang sektor o grupong kumatha ng moral na ligalig: ang Junior Drug Watch, Citizen’s Drug Watch Foundation, at mga politiko sa pangunguna ni Senador Tito Sotto. Sasalaysayin din ang kinasapitan ng isyu sa lebel ng paggigiit ng isteryotipo sa mga nagbabanda at kung paano nagamit ang isyu sa iba pang agenda ng mga kasangkot dito.