Problematisasyon sa Katangian ng Araling Kordilyera bilang Pamamaraan sa Pananaliksik mula sa Korpus ng mga Akda ni Padre Francis Hubert Lambrecht hinggil sa Ifugao

  • John A. Amtalao De La Salle University

Abstract

Ginalugad ng papel na ito ang katangian ng Araling Kordilyera ayon sa korpus ng mga akda ni Padre Francis Hubert Lambrecht, isang misyonerong antropologo na nakapagsulat ng mahigit pitumpung akda hinggil sa mga kultura at tradisyon ng Ifugao ng rehiyong Kordilyera. Mula rito, nilayon ng mananaliksik na mabigyang paghuhugis ang pamamaraan sa pagsasagawa ng pananaliksik upang matugunan ang mga argumento hinggil sa pag-aaral ng mga lokal na mamamayan at/o katutubong pangkat na nanirahan sa nabanggit na rehiyon. Ito’y isa ring pagaangkla sa patuloy na pagsiyasat sa katangian ng Araling Pilipino. Ginamit ng mananaliksik ang pansinupan o arkibal na pagkalap ng mga dokumento mula sa silid-aklatan ng iba’t ibang unibersidad at ilang digital platforms kung saan nailimbag ang mga akda ni Padre Francis. Sinuri ang mga akda sa pamamagitan ng Hermenyutika ni Friedrich Schleiermacher at nakabuo ng sampung kongklusyong nauugnay sa metodo ng pagsasagawa ng Araling Kordilyera. Binigyang-diin sa resulta ng pag-aaral ang halagahin ng paglubog sa pag-aaral ng sining at wika ng isang pamayanan upang maging tapat sa pag-aaral ng mga gawi at paniniwala ng isang lahi. Sa kabuuan, ang katangian at pamamaraan ng Araling Kordilyera ay patuloy na pinag-iinog ng mga kasalukuyang iskolar mula sa mga dati nang naisulat at naisusulat pa ng mga “tagalabas” at “tagaloob” na mananaliksik sa Kordilyera.

Published
2024-12-27
Section
Articles