Ang mga Ideolohiyang Politikal na Nakapaloob sa Rosales Saga ni F. Sionil Jose (The Political Ideologies within The Rosales Saga of F. Sionil Jose)
Abstract
Layunin ng papel na tukuyin ang mga ideolohiyang politikal na nakapaloob sa limang nobela ng Rosales Saga ni F. Sionil Jose: ang The Pretenders; My Brother, My Executioner; Tree; Mass; at Poon. Gagamitin ng papel bilang hermeneutikong lente ang ideolohikong ispektrum na may dalawang dimensiyon na binuo ni F.P.A. Demeterio sa kaniyang librong Ang Mga Ideolohiyang Politikal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na mula sa kahalintulad na konstrak ng Alemang teoristang si Hans Slomp. Ipinakita ng nasabing ideolohikong ispektrum ang walong magkakaibang politikal na ideolohiya: libertaryanismong radikal, awtoritarismong radikal, libertaryanismong liberal, awtoritarismong liberal, moderate, konserbatibong libertaryanismo, konserbatibong awtoritarismo, at reaksiyornaryo. Para matugunan ang nasabing layunin, may limang sustantibong seksiyon ang papel na isa-isang tatalakay sa limang nobelang kabilang sa Rosales Saga. Hihimayin ng bawat isa sa limang seksiyon ang mga pangunahing mensahe at tema ng mga nobelang tinukoy, susuri sa paninindigan ng mga nobela tungkol sa kasalukuyan at sa pagbabago, susuri sa paninindigan ng parehong mga nobela tungkol sa pagpapahalaga ng indibidwal at estado, at saka tutukoy sa pangkahalatang politikal na ideolohiya ng bawat nobela.
Mga Susing Salita: Ideolohikong Ispektrum, Hans Slomp, Ideolohiyang Politikal, Rosales Saga, F. Sionil Jose