Pagpapatiwakal at Pagbanyuhay, Pagpaslang at Paghulagpos: Dalawang Dula ng Paglalantad at Pakikitalad

  • Eugene Evasco

Abstract

Excerpt

Taong 1974 nang matunghayan sa tanghalan ang pahayag ng mga bakla ukol sa kanilang buhay. Umalingawngaw sa mga manonood ang hinaing at pangarap na kipkip ng Hanggang Dito na Lamang at Maraming Salamat ni Orlando Nadres, lalo pa’t nakaliligalig ang mga salitang binitawan ng tauhang si Fidel:

"Ako ay ganito, kaya hanggang dito na lamang at maraming salamat. Kay Julie ko lamang inamin ang tunay kong pagkatao. Dahil hirap na hirap na ako. Wala akong makausap tungkol dito. Walang makakaunawa tungkol sa bagay na ito kundi ang katulad namin ni Julie….Kami-kami lang. Mga lihim na paguusap. Mga pabulong at panakaw na pagtatapatan. Talagang hindi ko ito ipagtatapat sa iyo pero…nangyari na…biglangbigla, natanggal ang aking maskara… alam kong iiwasan mo na ako. At ngayo’y magpapaalam ka na sa akin."

Matapos ng nasabing pagsasadula, marami-rami na rin ang sumuong sa ganitong tunguhin ng pagsusulat at pagtatanghal, lalo pa’t naging mapagkalinga ang kilusang mapagpalaya sa kasarian. Halos kinupkop ang mga kuwento, talinghaga, at pahayag na nagsisiwalat ng kabalintunaan at kasiphayuan dulot ng kasarian. Masasabi pa na lumaganap ang malawakang paglaladlad sa tanghalan sa huling bahagi ng dekada otsenta hanggang dekada nobenta. Kabilang na sa pagsusulong ng paglaya mula sa opresyon at marhinalisasyon ang mga dulang itinanghal, nalimbag, o nagwagi sa timpalak-pampanitikan—Kung Paano ko Pinatay si Diana Ross ni Rody Vera, Kumbersasyon ni Rene Villanueva, Freshman at Last Full Show ni Chris Martinez, Kuwan ni Jun Lana, Taguan sa Ulan ni Blaise Gacoscos, Macho Motel ni Sid Hildawa, Esprit de Corps ni Auraeus Solito, at ang Ang Mahabang Patlang ay Isang Malaking Katanungan ni Jose Jay B. Cruz.
Section
Reviews