Paghahablon sa Miagao, Iloilo: Pagsusuri sa mga Isinasagawang Estratehiya para sa Muli Nitong Pagpapalakas

  • Faye N. Fuentes De La Salle University
  • F.P.A. Demeterio III De La Salle University

Abstract

Ang hablon ay isang tradisyunal na telang matatagpuan sa Isla ng Panay, at ang paghahablon ay ang batayan noon sa pagiging sentro ng industriya ng tela ng Lungsod ng Iloilo sa buong kapuluaan, at lunsaran sa pagiging “Queen City of the South” ng nasabing lungsod. Winasak ang industriya ng paghahablon noong kalagitnaan ng ika-19 na dantaon ng pagdating ng mga mas murang tela na gawa sa mga makinisadong pabrika sa Inglatera, at nang ibinaling ng rehiyon ng kanlurang Kabisayaan ang atensiyon nito sa industriya ng pag-aasukal. Nagpatuloy ang paghahablon sa Lalawigan ng Iloilo bilang specialty handicraft, at noong huling bahagi ng dekada 1980, naging sentro ang Bayan ng Miagao sa muling pagpapalakas ng industriyang ito. Sinuri ng papel na ito ang kalakasan at kahinaan ng mga estratehiyang isinasagawa ng mga stakeholder sa Bayan ng Miagao para sa muling pagpapalakas ng paghahablon, gamit ang process value chain ni Michael Porter at general principles of strategy evaluation ni Richard Rumelt bilang mga teoretikal na balangkas. Tinutugunan ng papel na ito ang pangunahing suliranin na kung sapat ba ang mga ginagawang estratehiya ng mga stakeholder para sa kanilang hinahangad na muling pagpapalakas ng paghahablon. Mahalaga ang papel na ito para makita ng iba’t ibang stakeholder ang kani-kanilang mga ginagawa at maisip nila kung ano-ano pa ang dapat nilang gawin para sa parehong hangarin. Mahalaga rin ang papel na ito para sa mga stakeholder ng mga kahalintulad na tradisyunal na industriya o gawain, para makita nila bilang benchmark ang kuwento ng paghahablon sa Bayan ng Miagao.

Published
2021-06-29
Section
Articles

Keywords

hablon, paghahablon, Miagao, Iloilo, mga tela sa Pilipinas, process value chain, principles of strategy evaluation