ANG REBOLUSYONARYA: Gunita at Pananalinghaga ng Makatang MAKIBAKA
Abstract
Itinatampok sa papel na ito ang paglalandas sa panulaan ng Makabayang
Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) at ang ambag ng organisasyon sa
panitikan ng Pilipinas. Inihaharap dito ang batayang ugnayan ng kontekstong
pangkasaysayan at gawaing pampolitika at pangkultura ng mga kadre at kasapi
ng MAKIBAKA na nagmarka sa mga tulang nanalinghaga at nagsalaysay sa bagong
tipo ng pambansang pakikibaka. Nilandas ang panulaan ng MAKIBAKA upang
maghain ng isang tipo ng pagsusuring pambansa-demokratiko at dialektikalmateryalista
sa larangan ng panitikan. Ito rin ay para sa pagmapa sa naging
kalinangang pangkultura ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa bansa. Sa
pamamagitan ng pagbasa sa mga tula, nahawan ang naratibo ng kasaysayan at ng
mga magkakaugnay na sanhi ng tunggaliang panlipunan sa Pilipinas sa loob ng
kalahating siglo. Matutunghayan sa mga akdang nagsisiwalat at sumisiyasat sa
realidad ng kanilang panahon at lipunan na santuwaryo at sandigan ang panitikan
sa mga manunulat na kababaihan. Matutunghayan rin sa pagsibol at paglinang
ng panitikan ng MAKIBAKA ang puno’t dulo ng pagsusulat upang magsilbi sa
kilusang propaganda. Taglay ang materyal na danas at pagkatuto sa loob ng
kilusan, naiguguhit nito ang obhetibong kondisyon at magkakaibang imahen
ng tunggalian sa pagsuong sa masalimuot at madugong landas ng rebolusyon.
Ang pagsulong sa kulturang mapagpalaya ng kababaihan ay naitampok sa
pamamagitan ng masikhay na pagtatala at pag-ukit ng rebolusyonaryang
manunulat sa dalumat ng bagong babae.