Sosyo-Semyotiks ng Welgang Bayan: Representasyon ng Panlipunang Aktor sa Rurok ng Anti-Diktadurang Pakikibaka
Abstract
Niyanig ang mga huling taon ng diktadurang Marcos ng sunod-sunod na mga welgang bayan, mga malawakan at koordinadong militanteng pagkilos ng iba’t ibang sektor sa mga sentrong lungsod. Nagbubunsod ito ng paralisasyon ng mga ekonomikong aktibidad at normal na takbo ng lipunan. Unang isinabak ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong huling kwarter ng 1984, sunod-sunod na ang paglulunsad ng mga welgang bayan sa taong 1985 sa iba’t ibang dako ng bansa. Pinakatampok dito ang welgang bayan sa Escalante, Negros noong Setyembre 20, 1985 na nauwi sa “Masaker sa Escalante” at ang welgang bayan sa probinsiya ng Bataan noong Hunyo 10-20, 1985 na nagpamalas ng militanteng pagtutol sa pagtatayo ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Gamit ang sosyo-semyotikong lente, sinuri ko ang representasyon ng mga panlipunang aktor kaugnay sa paglulunsad ng mga welgang bayan na mababasa sa anim na artikulo na inilathala noong 1984 at 1985 sa Ang Bayan, ang opisyal na publikasyon ng Komite Sentral ng CPP. Habang magiging sentro ang welgang bayan sa mga debate sa estratehiya na bumalot sa kilusang rebolusyonaryo pagkatapos bumagsak ang diktadura, ipinapatampok ng representasyon ng welgang bayan ang pangangailangan ng pagbubuklod ng iba’t ibang uri at sektor bilang bayan na lumalaban sa mga puwersang mapang-api at mapagsamantala.