Disstrakan Bilang Verbal na Duwelo: Pagsusuri sa Tema’t Diskursibong Istratehiya ng mga Diss Track Mula sa mga Rapper ng Dongalo at Ex-Battalion
Abstract
Tila nagkaroon ng isang malaking digmaan sa birtwal na espasyo sa pagitan ng mga grupo ng hip-hop sa Pilipinas sa kasagsagan ng community quarantine. Sentro nito ang grupo ng mga beteranong rapper mula sa underground label na Dongalo Wreckords at nasasangkot bilang kanilang katunggali ang grupo ng Ex-Battalion. Ang papel na ito’y susuri sa nilalaman ng mga diss track na nailabas sa panahon ng kanilang tunggalian. Susuriin sa isasagawang saliksik ang mga pangkalahatang tema at diskursibong istratehiyang ginamit ng bawat kampong kalahok. Gayundin, ang implikasyon nito sa paggiit ng awtentisidad at inaasam na respeto sa komunidad ng mga hip-hop kung saan sentral nga ang gampanin ng paglahok sa “disstrakan” bilang espasyo ng verbal na duwelo. Magiging gabay sa pagsusuri ng mga diss track ang mga konsepto mula sa pag-aaral ng mga verbal na duwelo at mga nauna ng pag-aaral hinggil sa rap battle ng mga hiphop. Itatampok ang piling mga diss track mula sa naganap na palitan sa pagitan ng mga rapper ng Dongalo at ng Ex-Battalion.