Isang Interdisiplinaryong Pagdulog sa Dalumat ng Krisis at Kritika sa Sining at Kultura sa Araling Mindanaw at Sulu
Abstract
Iminumungkahi ng sanaysay na ito ang paggalugad sa iba’t ibang paraan kung papaanong ang dalumat ng “krisis” at “kritika” ay maaaring gamitin sa pagsisiyasat sa mga usapin sa Mindanaw at Sulu. Kinikilala bilang isla rehiyon at karatig na arkipelago sa katimugang bahagi ng Pilipinas na tila kinaligtaan ng mga kritikal na pagtatasa ng mga akademiko sa Sentrong Rehiyon, maaaring mahinuha na sityo ng tunggalian ang Mindanaw at Sulu kung saan nakapaloob ang mga anyo ng digmaan, likas na sakuna, kolonyalismong setler, at pandaigdigang krisis sa kalusugan. Gamit ang interdisiplinaryong pagdulog na nagbibigay-diin sa halaga ng humanidades at agham panlipunan, tinatangka ng sanaysay na ito na suriin ang iba’t ibang diskurso sa mga sining at kultura na nakakabit sa A Timeline of Mindanao Disasters (University of the Philippines Press) at Biyaheng Pinoy: A Mindanao Travelogue (Ateneo de Manila University Press), dalawang aklat tungkol sa Mindanaw at Sulu na kapwa inilathala noong 2020. Sa pagsusuring ito, nilalayon ng pag-aaral na humubog ng talakayang umiinog sa pagitan ng krisis at anyo ng pang-araw-araw na pamumuhay na nagtatangkang imapa ang Mindanaw at Sulu sa lawas ng Araling Pilipino.