Ang Estetika, Politika, at Ideolohiyang Pilipino sa Arkitekturang Filipino: Ang Kaso ng Ilang Antigong Bahay sa Malolos, Bulacan

  • Luis Alfonso M. Arcega De La Salle University - Manila
  • Christopher Bryan A. Concha De La Salle University - Manila
  • Ernesto V. Carandang II De La Salle University - Manila

Abstract

Sa kasalukuyan, karamihan sa mga pag-aaral na tumatalakay sa Arkitekturang Filipino ay nakatuon lamang sa pagsipat sa kasaysayan at estetika ng estruktura nito. Ngunit maliban sa pamanang historikal ng mga arkitekturang ito, maaari din itong magsilbing salamin ng politikal at kultural na ideolohiya ng isang lugar o nasyon. Sa diwang ito, layunin ng mga mananaliksik na suriin kung paanong sinasalamin ng Arkitekturang Filipino, partikular na ng Arkitekturang Malolos, ang ating pagkakakilanlan at kultura bilang mga Pilipino. Nais itong simulan ng papel sa pag-aaral sa tatlong antigong bahay na bahagi ng Malolos Historic Town Center. Gamit ang binuong balangkas ni Edson Roy Cabalfin, gayundin ang mga piling ideya ni Gerard Lico kaugnay sa pag-aaral ng Arkitekturang Filipino, sinipat ng papel ang estetika, politika, at ideolohiyang Pilipino na nakapaloob sa mga antigong bahay. Nahahati ang papel sa tatlong pangunahing bahagi: (a) pagtalakay sa Arkitekturang Malolos bilang bantayog ng estetikang Pilipino, (b) pagsipat sa Arkitekturang Malolos bilang simbolismong politikal, at (c) pagtanaw sa Arkitekturang Malolos bilang salamin ng mga ideolohiya ng lipunang Pilipino.

Published
2023-06-29
Section
Articles