Mga Ideolohiyang Politikal na Nakapaloob sa mga Obra ng Sining Saysay na Kabilang sa Panahon ng Batas Militar Hanggang sa Kasalukuyan
Abstract
Ang Sining Saysay ay isang permanteng eksibit sa Gateway Gallery, Gateway Mall, Cubao, Quezon City. Binubuo ito ng tatlumpung malaking panel. Mayroon itong dalawampu’t tatlong sequential historikal na panel at pitong historikal at kultural na panel. Sa dalawampu’t tatlo nitong sequential historikal na panel, apat na obra ang napabibilang sa panahon ng Batas Militar hanggang sa kasalukuyan: 1) “Martial Law in the Philippines,” 2) “Filipinos Unite to End Martial Law,” 3) “Ramos-Estrada Administration,” at 4) “Restoration of Democracy Continues.” Sa pamamagitan ng semiolohiya ni Roland Barthes, at ang modipikadong ideolohikal na ispektrum nina Hans Slomp at F.P.A. Demeterio, sinuri ng papel na ito ang mga ideolohiyang politikal na nakapaloob sa apat na obrang ito. Natukoy ng papel na ito na ang naunang obra ay may dominanteng ideolohiya na liberal na libertaryan, ang pangalawang obra ay may dominanteng ideolohiya na radikal na libertaryan, ang pangatlong obra ay may dominanteng ideolohiya na nasa pagitan ng radikal na libertaryan at liberal na libertaryan, habang ang pangapat na obra ay may dominanteng ideolohiya na liberal na libertaryan. Kung layunin ng Sining Saysay na ituro sa ating mga Pilipino ang sariling kasaysayan para linangin ang ating pambansang identidad at payabungin ang ating kultural na pagmamalaki, nararapat lamang na malaman natin kung ano-anong uring ideolohiyang politikal ang nakakubli sa ilan sa mga materyales na inihain sa atin.