Ang ikaapat na bolyum ng Diliman Gender Review (DGR) ay may limang artikulo na nagpapamalas ng “diversity” ng araling kababaihan at kasarian sa punto ng disiplina at lapit: kasaysayan, literatura, pelikula, antropolohiya, at gender mainstreaming. Gayunpaman, binibigkis ang mga artikulo ng pagkilala sa opresyon ng kababaihan at ang manipestasyon nito sa iba’t ibang larangan.
Ang paglathala ng DGR Bol. 4 ay naantala ng dalawang taon bunga ng iba’t ibang dahilan. Ilan sa mga ito ay ang COVID-19 pandemic, krisis sa lipunan, ekonomiya, at politika. Sa loob ng UP naman, ramdam natin ang atake sa akademikong kalayaan at kakulangan ng seguridad sa trabaho at benepisyo. Ang bawat pagsubok at atake sa ating kalayaan at karapatan ay lalong nagpapabigat sa pasanin ng mga kababaihan para gampanan ang kanilang mga gawain sa lipunan. Kaya dapat lamang na ipagpatuloy ang mga pagaaral, pananaliksik, at adbokasiya para sa kapakanan ng kababaihan at kasarian. Katuwang at kakapit-bisig ng kababaihang Pilipino sa pagmulat, pag-organisa, at pagkilos ng mamamayan para sa lipunang malaya, masagana, demokratiko, at may pagkakapantay-pantay. Harinawang ganito ang isa sa maging mahalagang silbi ng kasalukuyang DGR