Isang Preliminaryong Analisis ng So Ayun bilang Discourse Marker
Abstract
Ang pag-aaral na ito ay isang pag-analisa sa Ingles na discourse marker na so, na kumakapit sa Tagalog na salitang ayun. Ang so ayun (SA) ay kalimitang maririnig, mababasa, at makikita sa social media at iba pang mga konteksto, bilang pambungad sa isang usapin o pang-usad sa panibagong usapin. Upang talakayin ang paggamit nito, ang dalawang pangunahing layunin ng papel na ito ay: (a) maipaliwanag ang pinanggalingan ng SA, gamit ang teorya ng grammaticalization; at (b) mailarawan ang paggamit nito sa konteksto ng Taglish (o ng code-switching) at Philippine English sa pang-araw-araw na pakikipag-usap. Mula sa historikal na batis, nabuo ang haypotesis na nagsimula ang ayun bilang pambungad, at sa kalaunan ay ginamit na rin sa paglalagom at kinabitan ng so. Báse naman sa mga datos mula sa mga vlogs at mga tweet/komento, naobserbahang tila mas nagbe-behave bilang klitik ang ayun kaysa so. Naipakita ring may samu’t saring gamit, lokasyon, konteksto, pagbigkas at pagbaybay, at kombinasyon ng iba pang mga klitik ang SA.