Panimulang Pagkakatalogo ng mga Lokal na Pangalan ng Ibon sa Pilipinas

  • EB Perez-Bellen

Abstract

ABSTRAK



Sa tunguhin na isang agham konserbasyong Pilipinisado, kailangang sikapin ang pagbuo ng
bokabularyo nito na mula sa lokal na kaalaman. Marami nang mga bansa ang nagkakatalogo ng
mga lokal na pangalan ng ibon lalo na ang mga bansang mayayaman ang kultura at endemik na
biyodibersidad, at maaaring punan ang puwang na ito sa konteksto ng Pilipinas sa pamamagitan ng
formalisado at masigasig na pagtipon ng mga pangalan. Bílang panimula, isinagawa sa papel ang
isang rebyu ng iba’t ibang manwal at dihital na batis upang tipunin ang mga lokal na pangalan ng
dalawampung ibon na may malalawak na saklaw (range) sa Pilipinas. Nagsagawa rin ng aktibong
pagtatanong sa mga grupong may interes sa ibon. Matagumpay na nakapagtalâ ng 165 na pangalan
sa panimulang katalogo; 107 dito ay natukoy ang etimolohiya. Pinakamalaking bahagdan ang mga
pangalang nagmula sa huni ng ibon (55), sumunod ang mula sa Kilos/Ugali (27), Morpolohiya (14),
at pinakakaunti ang Habitat (11). Iminumungkahing pagyamanin pa ang nasimulang katalogo at
magsagawa ng mas targeted na mga sarbey sa mga komunidad kapag tapós na ang kuwarentenas
upang matiyak ang kawastuan ng katalogo at makapagtalâ pa ng mahigit sa dalawampung species.
Susing salita: etno-ornitolohiya, etnobiyolohiya, ibon, agham konserbasyon