Isang Paunang Pagsasakasaysayan ng Caliraya Dam sa Silangang Laguna, 1939-1947¹
Abstract
Sa loob ng siglo 20, tuwirang mararamdaman ang mga epekto ng mga gawaing antropoheniko. Sa
pamamagitan ng mga gawaing iyon, nakokontrol na ng tao ang mga likás na penomena, katubigan,
o kalupaan na dati ay tíla imposibleng makamit. Maraming mga proyektong impraestruktura ang
sinimulan, at natapos sa maraming parte ng daigdig. Sa kaso ng Pilipinas, maaaring tingnan ang
kahalagahang pangkasaysayan ng Caliraya Dam. Sinimulang maitayo ito sa “rurok” ng Pamahalaang
Komonwelt at sa pagsapit ng mga hukbong imperyo ng mga Hapones. Minsang ibinantog ito ng isang
kasaysayang lokal bílang pinakamalaking proyektong haydroelektrik sa buong Pilipinas. Bagamat,
nasundan na ito ng iba pang malalaki ring dam, hindi maikakaila ang papel ng Caliraya Dam sa
pagsulong sa Pilipinas ng mas malawakang produksiyon ng koryente gáling sa paghaharang ng
mga ilog o batis at ang pagpapaipon sa mga reservoir o imbakang-tubig. Sa papel na ito, tinatangka
ng mananaliksik na isakasaysayan ang pagtatayo sa Caliraya Dam sa silangang Laguna. Sa
pagsasapanahong 1939-1947, sakop nito ang pagpapalit ng mga kaayusan mula sa kolonyal pa ring
Pamahalaang Komonwelt (1935-1946) at Ikalawang Republika (1943-1945) túngo sa mga hámon
ng mas nagsasarili nang Ikatlong Republika (1946-1972). Kinasangkapan, sinuri, at sinisiyasat ng
mananaliksik ang ilang kasaysayang lokal at mga dokumentong kaugnay sa Caliraya Dam upang
ilagay ito sa nauukol na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas. Bagama’t tentatibo ang mga obserbasyon
at punto sa papel, hinahangad ng mananaliksik na makapagpalawig pa ito sa multidisiplinaryong
lápit at paraan ng papel ng mga dam sa kasaysayang pampolitika, pangkapaligiran, at panlipunan
ng Pilipinas.