Malalimang Pagtalakay sa Dalawang Pangunahing Lápit sa Pagtatása sa Sigla ng mga Wika sa Pilipinas¹

  • Noah Cruz

Abstract

Kakambal nang maituturing ng diskurso tungkol sa pagiging multilingguwal ng Pilipinas ang usapin
ng panganganib ng mga wika sa bansa. Paulit-ulit na maririnig na batay sa mga sensus pangwika
(e.g., Eberhard et al.; Headland), parami na nang parami ang mga nanganganib na katutubong wika
sa bansa at ang iba ay nása bingit na nang tuluyang pagkawala. Ang ganitong mga pagtatáya ay
walang-pag-aalinlangang tinatanggap ng marami, at tíla nakakalimutan nang busisiin ang sistemang
sinunod upang maabot ang mga pagtatáyang ito. Layunin ng kasalukuyang pananaliksik na siyasatin
ang dalawang lápit na pinakamalimit na ginagamit sa pagtatása sa sigla ng mga wika sa bansa, i.e.,
Language Vitality and Endangerment (LVE) ng United Nations Educational, Scientific and Cultural
Organization (UNESCO) at Expanded Graded Intergenerational Disruption Scale (EGIDS) nina Gary
Simons at Paul Lewis. Sa papel na ito ay ipinakita ang isang malalimang pagbalangkas sa kabuuang
sistema ng dalawang lápit--pagbalangkas na makatutulong sa pagpapakahulugan sa mga datos na
lumalabas hinggil sa estado ng mga wika sa Pilipinas at sa pag-unawa sa kung paano nahuhubog ang
diskurso ng panganganib pangwika (language endangerment) sa bansa. Bukod dito, inilahad din sa
pananaliksik ang ilang kritikal na suri tungkol sa iba’t ibang aspekto ng LVE at EGIDS. Mithiin ng
papel na magsilbing gabay sa pagtitimbang sa kaangkupan ng mga lápit sa konteksto ng mga wika
sa Pilipinas, na sa hinaharap ay inaasahan namang makatutulong sa pagbuo ng sistemang ganap
na makagagap sa natatanging sitwasyon ng mga wika, diyalekto, at komunidad pangwika (speech
community) sa bansa.

Published
2024-07-10