Ang Teatrikalidad ng MonoVlog: Improbisasyon at Kuwentuhan sa Panahon ng COVID-19 sa Pilipinas
Abstract
Mula sa dalawang salita: monologo at vlog, ang monoVlog ay isang hybrid na pagtatanghal sa internet
noong panahon ng pandemya. May pagkakahawig at pagkakaiba ang monologo at ang vlogging:
parehong iisang tao ang nagtatanghal at kailangang live ang mga ito. Gayunpaman, noong nagsimula
naman ang vlogging, hindi naman nangangahulugang live ito agad. Karamihan sa mga vlogger ay
nagrerekord muna bago ilagak ang content sa kanilang sariling channel sa social media. Noong
kasagsagan ng COVID-19, nag-shift sa live ang mga vlogger. Ang kaibahan naman nito sa monologo,
mas maiksi ang pagtatanghal ng monoVlog kumpará sa pagtatanghal ng monologo sa entablado. Ang
papel na ito ay isang artikulong-panayam hinggil sa MonoVlog. Layunin nito ang maidokumento ang
pag-usbong ng porma at ang pagtala ng isang espekulasyon hinggil sa posibleng direksiyon nito sa
hinaharap. Layunin rin ng panayam ang maisalin ang mga idea ni Layeta Bucoy, ang pigura sa likuran
ng pormang nabanggit, sa akademikong sulatín. Panghulí, layunin din ng papel na maging bahagi
ang porma sa sinupan ng mga pagtatanghal sa Pilipinas. Inaasahan na ang artikulong ito ay isang
mahalagang reperensiya sa mga susunod na taon hinggil sa katatagan ng mga artistang Filipino at ang
kanilang pagiging malikhain sa likod ng krisis. Ang hulíng bahagi ng papel ay ang dulang JonaLive,
dalawang pinag-isang MonoVlog na isinulat ni Bucoy. Ang pagpasok ng iskrip sa artikulo ay mahalaga
upang mas lalong maintindihan ang aspektong dramatiko (o monologo) at aspektong vlog ng porma.