Ang Banal na Búhay at ang Karima-rimarim: Pagtawid sa Sagrado at Di-Banal ng Materyalidad ng Katawan sa Isang Vidang Bikol
Abstract
Kapansin-pansin ang kawalan ng pananaliksik sa isinaromansang banal na búhay o koridong vida sa kabila ng es- pasyong inookupa nitó sa kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas. Madalíng maisantabi ang halaga nitó sa kasaysayang pampanitikan dahil sa pananaw na ginamit lámang ito bílang kasangkapan ng kolonyal at relihiyosong propaganda, lalo pa’t pawang mga Europeong tauhan at tagpuan ang tampok sa mga ito. May pananaw rin na hindi mahalaga sa panitikan ang koridong vida dahil sa paggamit nitó ng mga anakronismo’t kalabisan. Ngunit katangi-tangi ang koridong vida dahil nag-iisa itong panitikang sekular na nanatiling popular sa iba’t ibang wika ng kapuluan kahit matapos na umalis ang mga mananakop na Kastila’t Americano. Naging posible ang ganitong popularidad ng koridong vida dahil sa magkapanabay na sirkulasyon nitó sa parehong anyong limbag at binibigkas. Mababakás din ang pag-unlad nitó mula sa mga pook na pinaglahuan ng epiko at ang kinahantungan nitó sa realismo ng nobelang Filipino.
Sinusuri ang Vida o Agui-Agui ni Santa Isideria na Aqui nin Magna Para-Asin, isang koridong Bikol mula sa artsibo ng Museo Historico de Universidad de Santa Isabel ng Camarines Sur, upang maghain ng lápit sa koridong banal na búhay bílang panitikang búnga ng palítan ng mánanákop at katutubo, limbag at binibigkas, at sekular at relihiyoso- di- daktiko. Tumututok ang papel sa mga pormulang leksikal at gramatikal, taludturan, at ang sentral na motif ng katawang karima-rimarim o “grotesque body” at kung paano ng mga ito naisasaestruktura ang akda bílang popular na panitikan, artifact na sosyohistorikal, at paksain ng pananaliksik na nagbubukás ng mga ugnayan ng panitikan ng Pilipinas sa me-dyibal na tradisyon ng hagyograpiya sa labas ng Pilipinas.