Mga Tula sa Filipino-SOX na Zines: Túngo sa Pagpapakilala ng Multilingguwal at Multikultural na Komunidad sa Timog Mindanao

  • Hannah A. Leceña

Abstract

Ang Filipino SOX ay tumutukoy sa pinaghalong mga wika sa Mindanao tulad ng wikang Tagalog, Sebwano, at Hiligaynon na madalas sinasalita at naririnig sa loob ng Rehiyon Dose o SOCCSKSARGEN Region. Sa kasalukuyan, maraming umuusbong na tula sa rehiyon na inilimbag sa anyo ng zines na gumagamit ng hybrid o variety ng wika dulot na rin ng pandarayuhan, heograpikal na lokasyon, at iba pang salik na nakaiimpluwensiya sa pagpapalitan ng kultura at wika ng mga táong naninirahan dito. Sa pag-aaral na ito, nilapatan ng tematikong pagsusuri ang mga teksto ng pilíng tula na nakasulat sa Filipino SOX o Filipino ng SOCCSKSARGEN. Mula rito, natuklasang bukod sa lokalisasyon ng wika na ipinamalas ng makata, makikita rin ang kaniyang kontekstuwalisadong danas na nakaugat sa kaniyang sariling bayan. Makikita ito sa mga tema sa tula na pawang tumatalakay sa mabubuting kaugalian at kultura ng isang batà na payak na naninirahan sa kanilang banwa. Ang mga tula ring ito ay tungkol sa kabataan ng persona kapíling ang kalikásan at kung paano ito unti-unting nagbago dulot ng ilegal na pagputol ng punò. Lumilitaw rin ang pangungulila sa bayan na kaniyang nilisan. Nabanggit din sa tula ang mga suliranin tulad ng kahirapan, diskriminasyon sa kasarian, at polusyong masasal- amin sa realidad na isinasalaysay ng makata. Sa madalíng sabi ay maaaring gamítin ang Filipino-SOX upang isulat ang sariling danas, damdámin at kamalayang panlipunan ng makata at ng kaniyang sariling bayan sa anyo ng zines, sa wika ng kaniyang dila, at sa sinasalita ng kaniyang lingguwistikong komunidad. Isa itong posibilidad at paraan ng pag-aakda ng kaniyang komunidad bílang ambag sa panitikang Pilipino.


 

Published
2024-07-11