Doon Po sa May Dakong-Hulo: Panimulang Pananalambaw sa mga Kuwentong-Bayan ng Valenzuela
Abstract
Naging layunin ng pananaliksik na ito na magkaroon ng kauna-unahang pagtitipon at pagsusuri sa halagahan ng
bayan batay sa mga kuwentong-bayan ng Valenzuela. Tinawag ang prosesong ito na “pananalambaw”—salitáng Tagalog-
Bulacan mula sa salitáng-ugat na “lambaw” o “lambat” na analohiya ng ginampanang pagtitipon at pagsasalà sa mga
kuwentong-bayan sa barangay ng Tagalag at Coloong bílang pook na nagsasabúhay ng palaisdaan sa lungsod.
Nagpaahon ang pananaliksik ng labinlimang kuwentong-bayan na may namamayaning paksa ukol sa kabayanihan,
kamatayan, kaparusahan sa kasakiman, at pangangalaga sa kalikasan. Habang naglalaro sa katotohanan at katha ang
mga naratibo na nakadantay sa “katatakutan” bílang naghaharing pamanang tono, naging pinák (mababa at maputik
na daang-tao) ang tono ng sindak sa mga salaysay upang mabúhay sa mamamayan ang kanilang mahahalagang talâ sa
kasaysayan, kaalamang-bayan, at mga paniniwala. Nása mga kuwentong ito ang: 1) kasaysayan ng pagtatanggol sa bayan
kontra sa mga dayuhang mánanákop, 2) danas at naratibong lokal sa pagdating ng baha, 3) paniniwala sa kaparusahan
sa kasakiman, at 4) naratibo ng babae bílang mamamayang may mahalagang tungkulin sa kabihasnan. Sa kabuoan,
inaasahan na ang pag-aaral ay magiging ambag sa kalipunan ng mga kuwentong-bayang Tagalog kasabay ng lunggating
tuluyang makilala ng Valenzuela ang sarili nitóng mga naratibo na magpupuspos sa pagpapatuloy ng pananaliksik at
pagpapakalat ng mga kuwento.