Panimulang Pagsusuri sa Talipapa: Antolohiya ng mga Tulang Pambata: Isang Meta-Dokumentasyon
Abstract
Itinatampok sa papel na ito ang halaga ng pagpopook at pagpapakahulugan sa ilang mga piling tula na nakapaloob sa
Talipapâ: Antolohíya ng mga Tulâng Pambatà (2023). Sa ganang ito, kinasangkapan ng mananaliksik ang isang matapat,
lapat sa lupa, at makatotohanang sosyo-historikal na pampanitikang kritisismo. Bahagi ng ginawang paghihimay sa
buong libro ang pag-uugnay sa naging gawain sa ekstensiyon ng Manuel V. Gallego Foundation Colleges (MVGFC) sa
Talipapa Elementary School (TES), Barangay Talipapa, Siyudad ng Cabanatuan, Nueva Ecija.
Ginamit sosyo-historikal na lente upang masipat, masuri, at masiyasat ang mga tula na lagpas sa panuntunan
ng kumbensiyonal na pagsusuri sa panitikan, sa tula bilang genre, at sa teksto bilang turnilyo ng/sa talinghaga at
pananalinghaga. Hindi lamang ito malikhain kundi politikal din na pagbasa sa buong proyekto sapagkat ang pagkakaroon
ng loob at labas ay patunay lamang na maging sa panitikan ay may usapin ng representasyon at re-presentasyon sa
espasyo at panahon. Ang palihan naman ay integratibong pamamaraan kung saan kasama sa buong proyekto ang mga
piling mag-aaral at fakulti ng MVGFC High School Department at Institute of Teacher Education. Ang kolaboratibong
pedagohiyang ito ang siyang sandigan upang umiral ang batas ng pag-unlad sa buong pagpoproseso at proseso ng palihan.
Panghuli, sinisiyasat ng papel na ito ang pagpopook at pagpapakahulugan sa gamit at halaga ng palihan bilang epektibong
lunsaran ng diskurso at malikhaing produksiyon.
Diskursibo sa madaling sabi ang papel na ito sapagkat kinakatawan nito ang hindi pasibong preliminaryong
pagsusuri sa buong libro sapagkat tampok dito ang kilos at galaw ng kapangyarihan lagpas sa itinakda ng mga teksto
sa loob ng mga tula. Nasasapul at sinasapul ng proyektong ito ang pagtatampok sa kakayahan ng mga bata sa paglikha
ng isang bagong anyo ng pagpopook at pagpapakahulugan sa loob ng kanilang espasyo at panahon. Sa pamamagitan ng
kolektibong paglikha, muli nilang inaangkin ang isang larangan at kanilang sama-samang itinatanghal ang bagong anyo
ng paglikha ng/sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pananalinghaga gamit ang sining ng pagtula.